Isang Pampublikong Lamay para kay Pangulong Marcos Bago Siya Ipalibing ni Pangulong Duterte sa Libingan ng mga Bayani
1 Hulyo 2016 (Biyernes), 2:00 hanggang 5:00 ng hapon
Lobby, Palma Hall, Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya
Unibersidad ng Pilipinas-Diliman
Mga Tagapagsalita: Ricardo Jose, Raissa Robles, Ric Reyes, at Helen Mendoza
Moderator: Maria Ela L. Atienza
Karay-karay ni Pangulong Rodrigo Duterte papasok sa Malacañang ang nakakasulasok na usapin ng pagpapalibing sa dating pangulo at diktador na si Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Ipapalibing n'ya raw si Marcos sa nasabing libingan dahil naging sundalo naman ito noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Totoong naging sundalo si Marcos sa panahong iyon. Pero anong klaseng sundalo? Sundalong nanraraket, sundalong nanggagantso, sundalong sinungaling, sundalong namemeke ng ranggo, sundalong nag-iimbento ng mga medalya at titulo, sundalong pinagpasasaan ang isyu ng mga beterano, sundalong kinatasan ang mga bayad-pinsala sa digmaan, sundalong dinambong sa mahigit dalawampung taon ang yaman ng bayan, sundalong binayoneta ang demokrasya. Lahat ng uri ng pagkasundalong ito ni Marcos, patutunayan ng mga respetadong iskolar, mamamahayag, at pampublikong intelektuwal na magsasalita sa forum na ito. Sa harap ng mga atras-abanteng pahayag ni Pangulong Duterte, pakinggan natin ang mga katotohanan ng kasaysayan na hindi nababawi o nababaluktot. Paano paghihilumin ni Pangulong Duterte ang pagkakahati ng mga Pilipino, kung gagawin niya ito sa pamamagitan ng pagpaparaya lamang sa kagustuhan ng “halos lahat ng Ilokano”? “Someone has to give” sabi niya. Pero bakit ang 70,000 na nakulong, 34,000 na tinortyur, 3,240 na pinatay, at ang kanilang mga pamilyang naulila ang kailangang ilang ulit pang magparaya? Hindi ba pantapal lang ni Pangulong Duterte ang layuning pagkaisahin ang bansa para mas mapagyaman pa ang pakikipagkaibigan niya sa mga Marcos? “Will it unite Filipinos? I don’t know, but I know there is one hatred I can erase,” sabi niya. Hindi ba’t buburahin rin ng pangulo ang malinaw na husga ng kasaysayan na ang rehimeng Marcos ay isa sa pinakamasahol na panahon sa ating kasaysayan? Hindi tiyak ni Pangulong Duterte na sa pagpapalibing na ito ay mapag-iisa niya ang bansa. Pero tiyak na sa pagbaon kay Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani magiging katanggap-tanggap ang kasinungalingan at ang pagiging mandarambong kabayanihan na rin.
Hey! Keep it up!
ReplyDeleteDito sa university namin, may isa ring pro-marcos na teacher ng Araling Panlipunan.
Go lang! Say no to historical revisionism!
ReplyDelete