Malugod na iniimbitahan ang publiko na dumalo sa unang forum ng 2016 UP TWSC Public Forum Series na pinamagatang, "Anim na Tanong sa Anim na Taon: Ang mga Agham Panlipunan at Pilosopiya at ang Papalitang Rehimeng Aquino."
Tampok sila Dr. Nestor T. Castro ng Departamento ng Antropolohiya at Prop. Jay A. Yacat ng Departamento ng Sikolohiya bilang mga tagapagsalita sa forum na ito. Si Dr. Castro ay tatalakay sa estado ng mga karapatan ng mga katutubo sa kanyang, "Assessing the Status of Indigenous Peoples' Rights under the Aquino Administration." Si Prop. Yacat naman ay susuriin ang naging implementasyon ng mga karapatan ng kabataan sa ilalim ng administrasyong Aquino sa kanyang, "Filipino Children at the Margins: The State of Children's Rights Implementation under the Aquino Administration."
Gaganapin ang forum na ito sa ika-29 ng Enero 2016 (Biyernes), mula 2:00 hanggang 4:00 ng hapon, sa Pulungang Claro M. Recto, Bulwagang Rizal, Kolehiyo ng Arte at Literatura, Unibersidad ng Pilipinas-Diliman.
Para sa audiovisual recordings ng forum na ito, i-click ang link na ito.
MGA LITRATONG KUHA SA FORUM
Para sa audiovisual recordings ng forum na ito, i-click ang link na ito.
MGA LITRATONG KUHA SA FORUM
ANG 2016 UP TWSC PUBLIC FORUM SERIES
Anim na Tanong sa Anim na Taon: Ang mga Agham Panlipunan at Pilosopiya at ang Papalitang Rehimeng Aquino
May sapat bang nasasabi ang mga disiplina ng agham panlipunan at pilosopiya sa usapin ng pagpapalit ng administrasyon, sa pagtataya ng nagawa nito, at sa paghahanda para sa susunod? O naging mga “analyst”/“expert” na tagatingi na lamang ng sound bites ang mga akademiko sa mga TV news magazine shows? Nagiging palamuti na nga lang ba ang mga akademiko para sa mga balita na nangangailangan ng tagapagsalitang may autoridad para pagtibayin lamang ang mga litaw naman nang mga obserbasyon? Taga-tuon na lamang ba sila ng pansin ng publiko sa mga isyung ang pagiging napapanahon ay dikta ng news cycle at ng mga nilutong iskandalo? Hindi iilan sa mga kilalang akademiko ang may sariling pulpito sa midya, pero kadalasan reaktibo ang pagsusulat nila at ang pagsusuri ay minadali para makahabol sa init ng balita. May ilan pa ngang tahasang propagandista ng mga interes na pasimple o garapalan nilang pinagsisilbihan.
Sinasabi ng UP Charter na bahagi ng serbisyo publiko ng unibersidad ang pagbibigay nito ng dalubhasa at teknikal na gabay sa pamahalaan, sa pribadong sektor, at sa lipunang sibil nang hindi ikinokompromiso ang panuntunan nito ng husay. Natutugunan ba ito ng mga akademikong taga-agham panlipunan at pilosopiya sa labas ng kundisyong itinakda ng midya? Ano ang masasabi ng mga disiplina sa yugtong ito ng pagpapalit ng mga nasa kapangyarihan? Nakabatay ang paniningil na ito sa pagpapalagay na nasa interes ng mga akademiko, lalo na ng mga nasa nasabing disiplina, na suriin ang kontemporaryong kalagayan ng lipunan. Pero tila napag-iiwanan na ang mga disiplinang ito at hindi makaambag sa paglikha ng bago at kritikal na diskurso tungkol sa mga napapanahong isyung panlipunan. Hiwalay na usapin rin kung naipapaunawa nga ba ang mga kritikal na pananaw na ito sa publikong dapat sana dito makikinabang.
Inilulunsad ng Third World Studies Center (TWSC) ang serye ng mga public forum na ito upang direktang tugunan ng mga disiplina at ng kanilang mga hinirang na akademiko ang kambal na hamon ng limitado, pili, at pilit na pampublikong pakikisangkot at ng inaasahang husay na dapat na dinadala nila sa mga isyung pampubliko na ginagarantiya ng UP Charter. Sa punto de bista ng bawat disiplina, paano ba dapat unawain ang pagtatapos ng isang rehimen at ang paglipat ng kapangyarihan tungo sa isa pa? Ano bang dapat mga parametro para sukatin ang nagawa, at hindi—pero dapat—ginawa ng bawat administrasyon? Sa forum series na ito ay bibigyan ng espasyo para talakayin sa publiko ng bawat disiplina—higit pa sa sound bites at timeliness ng isyu—nang may lalim at lawak ang mga isyu na sa kanilang palagay ay dapat napagtuunan ng patapos ng rehimeng Aquino at/o mapagtuunan ng hahaliling gobyerno sa 2016, ayon sa mga partikular na interes ng kani-kanilang disiplina. May partikular na urgency ang diskusyong ito, lalo pa’t nakataya dito ang pagpapatuloy ng mga tinaguriang repormistang polisiya ng kasalukuyang administrasyon.
Pagpapatuloy ang public forum series na ito sa pagsasaligsig ng TWSC sa rehimeng Aquino. Noong 2011 ay nagkaroon ng forum series na sumubok pangunahan kung papaano patatakbuhin ni Aquino ang kanyang administrasyon. Pinamagatang “The B.S. Aquino Administration: Possible Perversities, Perverted Possibilities,” lumutang sa apat na forum sa serye na ito ang kalauna’y naging pangunahing pagkukulang ng administrasyon--ang hindi pagtupad sa mga matatapang na pangako ng reporma na siyang mismong nagpapanalo kay Aquino sa pagkapangulo. Napako nga ang mga pangako dahil sa pagpapabor ni Aquino sa mga “kaibigan, kaklase at kabarilan” bilang mga tao sa kanyang gobyerno at sa mismong pagpo-protekta sa kanila mula sa pag-uusig sa tuwing masasangkot sa mga anomalya (hal. sina dating DILG Undersecretary Rico Puno at dating PNP Director General Alan Purisima).
Kaakibat rin na layon ng public forum series na ito na kasangkutin ang mga batang henerasyon sa paglikha ng bago at kritikal na diskurso sa mga isyung bumagabag sa kasalukuyang administrasyon at patuloy pa ring babagabag sa mga susunod. Ang talakayang ito ay inaasahang kokontra sa nakababahalang pag-arangkada ng mga grupo sa social media na nagsasabing Ginintuang Panahon ang mga taong nasa ilalim ang Pilipinas ng diktadurang Marcos—na kinabibilangan sa karamihan ng mga kabataang pumupuna sa mga pagkukulang ng administrasyong Aquino bilang munisyon sa pagbalewala sa mga alaala ng pang-aabuso ng diktadura at sa argumentong wala namang naidulot na kongkretong benepisyo sa bansa ang EDSA 1 at lalo pa ngang naghirap ang Pilipinas.