Google
 

Saturday, August 28, 2021

In Memoriam: Bienvenida C. Lacsamana


Dahil kay Ate Bien, masaya at magaan ang buhay sa Third World Studies Center (TWSC). Sa mahigit tatlong dekada, siya ang magiliw na mukhang sumasalubong sa lahat ng pumapasok sa Sentro, ang unang boses na magpapabatid na “Third World” ang natawagan sa telepono. Siya ang araw-araw na katuwang ng mga kasamang kawani sa pagpatakbo ng TWSC.

Nang magretiro siya noong Enero 2019, itinuring na siyang haligi ng TWSC. Sa kanyang ‘di matatawarang dedikasyon at pagkalinga, inagapayan n’ya ang ilang henerasyon ng mga mananaliksik at ang mga namuno sa Sentro. Malugod at masuyo siyang kasama na maagap na tumutugon sa iba’t ibang pakiusap para maisulong ang mga gawain ng TWSC. Likas siyang maalalahanin; walang kaarawan ng mga kasama—at minsan, kahit ng kanilang mga mahal sa buhay—na hindi n’ya maaalala. Dala n’ya ang mga k’wento at gunita ng pang-araw-araw na buhay sa ilalim ng iba't ibang direktor ng Sentro. Siya ang tuwa at palakpak na unang bumabati sa maliit o malaki mang tagumpay ng mga kasama, ang bukas na loob ng damay sa mga panahon ng lungkot at kagipitan. 

Taos pusong nagpapasalamat ang Third World Studies Center kay Ate Bien at sa kanyang pagyao ipinaabot sa kanya ang lahat ng pagmamahal at lubos na pakikiramay sa kanyang mga naiwan.


No comments:

Post a Comment