Google
 

Friday, January 03, 2014

'Pag Meron Ka Nito, Wala Kang Talo! Ang mga Abugado, ang Hudikatura, at ang Arkitekturang Legal ng Awtoritaryanismong Marcos


'Pag Meron Ka Nito, Wala Kang Talo!
Ang mga Abugado, ang Hudikatura, at ang
Arkitekturang Legal ng Awtoritaryanismong Marcos
Miyerkules, 15 Enero 2014, 1:00 - 4:00 n.h.
Pulungang Claro M. Recto (Faculty Center Conference Hall),
Bulwagang Rizal, Kolehiyo ng Arte at Literatura,
Unibersidad ng Pilipinas, Diliman, Quezon City

Please click here for the playlist of the audiovisual recordings of the public forum.

Balot at selyado sa legalismo ang awtoritaryang rehimen ni Marcos. Sa baluktot na parametro ng kanyang rehimen, lahat ng pang-aapi at pagsikil sa karapatan ng iba, naaayon sa batas na mismong s’ya ang may-akda—at ang tanging may kapangyarihan ring magbago. Sa ilalim ng batas militar, walang ilegal na aksyon si Marcos.

Hindi nga lamang mag-isa si Marcos sa pagsalamanka sa batas para maging personal n’ya itong anting-anting. Ilang taon pa bago ang deklarasyon ng batas militar, sa mga unang buwan pa lamang ng kanyang pangalawang termino bilang pangulo, sinimulan nang balangkasin ni Marcos at ilang malapit na tauhan ang legal na basehan ng kanyang ilalatag na awtokratikong rehimen. Inatasan n’ya noon si Juan Ponce Enrile, ang kanyang Kalihim ng Katarungan, na magsagawa ng lihim na pag-aaral tungkol sa kapangyarihan ng punong ehekutibo base sa Saligang Batas ng 1935. Naging katuwang ni Enrile sa sekretong gawaing ito sina Efren I. Plana (cum laude, 1954, UP Law) at Minerva Gonzaga-Reyes (magna cum laude, 1954, UP Law). Pagkatapos lagdaan ang Proclamation 1081 noong Setyembre 21, 1972, kinonsulta rin ni Marcos ang dating Solicitor General Estelito Mendoza, ang kanyang Kabinete, at iba pang mga lider para pag-aralan kung papaano gagawing tunay na lehitimo ang batas militar. Ani Mendoza, “He didn’t want to look like he wanted to violate the Constitution” (Vitug and Yabes 2011, 187).

Sunod na nakatunggali ni Marcos ang Korte Suprema sa pagtataguyod ng ratipikasyon ng Saligang Batas ng 1973 na maglalatag ng basehang konstitusyonal ng batas militar. Pagkalabas ng Proclamation 1102 na nagsasaad na niratipika ng 95% ng populasyon ang bagong saligang batas, kinuwestiyon agad ang legalidad ng paraan ng ratipikasyong ito sa Josue Javellana vs. Executive Secretary. Hati ang desisyon ng Korte Suprema sa kasong ito, na ngayo’y itinuturing na naging huling pagkakataon ng hudikatura upang pigilan si Marcos. Ngunit sa huli, pinaboran ng anim sa sampung Punong Mahistrado ang bagong konstitusyon. Hindi pangkaraniwan ang habang 257 na pahina na desisyon sa kasong ito dahil ang mga opinion ng dalawang kampo ang nakasulat. Ayon kay Pacifico Agabin, ito ay dahil alam ng mga hukom na magiging makasaysayan ang desisyong ito at kailangang ipagtanggol ang kani-kaniyang papel (Vitug and Yabes 2011, 193).

Bukod sa mga Punong Mahistrado, nagpakita rin ang ilang kawaksing mahistrado ng Kataas-taasang Hukuman ng pagkiling ‘di lang kay Pangulong Marcos, kundi pati sa kanyang kabiyak. Sa Pilar Luague v. Honorable Court of Appeals (1974) kung saan pinawalang-sala ng Korte Suprema ang isang kinasuhan ng estafa, nagawang isingit ni Justice Vicente Abad Santos sa isang desisyon ang ganitong pagtalima kay Gng. Marcos: "A compassionate attitude repeatedly urged by the First Lady, Mrs. Imelda R. Marcos, would have been highly in order under the circumstances." May papuri rin si Justice Abad Santos kay Gng. Marcos sa Pleno v. The Honorable Court of Appeals (1981): "What the Manila Gas Corporation did is contrary to compassion and humanism so ably expounded and practiced by the First Lady—Madame Imelda R. Marcos." At ito naman ang natatanging papuri't pasasalamat ni Justice Antonio Barredo—isa sa mga pumabor sa legalidad ng 1973 Philippine Constitution sa Javellana vs. Executive Secretary—sa mag-asawang Marcos sa Luneta v. Special Military Commission No. 1 (1981), isa sa mga maraming kaso kung saa'y ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon ng mga ikinulong na tumutuligsa sa rehimeng Marcos para sa writ of habeas corpus upang sila'y mapalaya mula sa mga "rehabilitation center":
Incidentally, it is a matter of common knowledge that after the martial law cases pending before this Court shall have been disposed of, martial law in our beloved country will be lifted. In my first opinion written after it was imposed, I exhorted "God bless the Philippines!" As January 17, 1981 the date commonly known as set for its lifting approaches, with a heart full of joy and gratefulness to the Lord, the President and the First Lady, who have jointly worked so hard to improve the quality of life of the Filipinos, to revive our valued nature virtues and traditions and to enhance the dignity of the Philippines as worthy member of the society of respected nations the world over, and all others concerned, I should shout as I do — ALLELUIA!

Sa kasalukuyan, tanging mga mag-aaral ng batas na lamang ang nakaaalam sa mga pagmamaniobra na ito. Hindi na rin napapansin ang kakatuwang katotohanan na iilan sa mga batas na ipinatupad ni Marcos bilang diktador hanggang ngayon ay may bisa pa. Nariyan ang Code of Muslim Personal Laws (P.D. No. 1083), Philippine Extradition Law (P.D. No. 1069), Insurance Code (P.D. No.  1460), at Anti-Fencing Law (P.D. No. 1612). Nagmulto rin ang P.D. 1081 noong ipatupad ni Gloria Macapagal Arroyo ang P.P. 1017, na nagpasailalim sa Pilipinas sa "State of National Emergency"—ilang bahagi ng proklamasyon ni Marcos ay muling ginamit ni Arroyo upang bigyan niya ang kanyang sarili ng panandaliang mala-diktador na kapangyarihan. 

Titingnan sa forum na ito ang naging sangkot na papel ng istruktura ng batas at mga tagapagtanggol nito sa legitimization ng pagdedeklara ng batas militar. Tatalakayin din ang mga naging pagkilos ng ilang mga grupo ng mga abogado (hal. Free Legal Assistance Group o FLAG, Movement of Attorneys for Brotherhood, Integrity, and Nationalism o MABINI) laban sa kamay na bakal ng batas na kinasangkot na ni Marcos. Magsisilbi ang forum na ito, higit sa kung ano pa, na pagkakataon upang ilantad sa publiko—lalo na sa isang publikong binubuo ng isang henerasyong hindi na inabot ang batas militar at ang mga lagim nito—ang mga pangyayaring naging susi sa diktaduryang kumumbabaw sa bansa ng halos dalawang dekada, ngunit ngayo’y hindi na gaanong napag-uusapan sa mga pagaalaala ng batas militar.


PROGRAMA

1:00 – 1:30
PAGPAPATALA

1:30 – 1:35
PAUNANG PAGBATI
Ricardo T. Jose, PhD
Direktor, Third World Studies Center at
Propesor, Departamento ng Kasaysayan
Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya
Unibersidad ng Pilipinas-Diliman

1:35 – 1:45
PAGPAPAKILALA NG MGA TAGAPAGSALITA
Ma. Luisa T. Camagay, PhD
Propesor, Departamento ng Kasaysayan
Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya
Unibersidad ng Pilipinas-Diliman

1:45 – 2:05
Froilan M. Bacungan
Pangalawang Pangulo
Philippine Constitutional Association at
Dating Dekano
Kolehiyo ng Batas
Unibersidad ng Pilipinas

2:05 – 2:25
Rene A.V. Saguisag
Lektyurer
San Beda College of Law at
Tagapagtatag
Movement of Attorneys for Brotherhood, Integrity, and Nationalism Inc.

2:25 – 2:45
Raul C. Pangalangan, SJD
Tagapaglathala
Philippine Daily Inquirer at
Propesor at Dating Dekano
Kolehiyo ng Batas
Unibersidad ng Pilipinas

2:45 – 3:05
Marites DaƱguilan-Vitug
Editor-at-Large
Rappler

3:05 – 3:50
TALASTASAN

3:50 – 4:00
PAGLAGOM
Ma. Luisa T. Camagay, PhD
Propesor, Departamento ng Kasaysayan
Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya
Unibersidad ng Pilipinas-Diliman

No comments:

Post a Comment