THE 2013 UP TWSC PUBLIC FORUM SERIES
Marcos Pa Rin! Ang mga Pamana at Sumpa ng Rehimeng Marcos
RASYUNAL
Abril 13, 2013 nang parang lansang umalingasaw ang balita na inaprubahan ng Lupon ng mga Rehente ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) ang panukala ng kaguruan ng College of Business Administration (CBA) na palitan ang pangalan ng kanilang kolehiyo at gawing Cesar E.A. Virata School of Business.
Nakadismaya sa marami ang masangsang na amoy ng balita. Sunud-sunod ang labas ng mga opinyon sa mga peryodiko at mga tumpukang online na kritikal sa naging aksyon ng pamunuan ng UP at ng dating CBA. Karamihan sa mga ito galing mismo sa kaguruan at mga dating estudyante ng unibersidad. Bukod sa pagpuna sa pagapang at ikinubling proseso sa pagpapalit ng pangalan. Binatikos rin ang mga basehan ng nasabing aksyon. May mga pumunang labag ito sa batas.
Ngunit mas mariin, mas malakas, at mas matapang ang boses ng mga umaalma sa dahilang kabilang si Virata sa korupsyon at pang-aabuso ng diktadura ng dating Pangulong Ferdinand Marcos. Maliban sa opisyal n’yang katungkulan bilang tau-tauhang punong ministro, si Virata rin ang itinuturing na punong teknokrata ng diktadurya. Tama ba na ipagkibit-balikat na lamang ang pagkilala at pagpaparangal sa mga haligi ng diktadura? Ano ang implikasyon ng desisyon na ito sa papel ng unibersidad bilang tagapagtaguyod ng tradisyon ng aktibismo at mulat na pakikisangkot sa paghahanap ng katarungan sa ating lipunan?
Sa kasagsagan ng diktadurang Marcos noong 1977, itinatag ang Sentro ng Aralin Ukol sa Ikatlong Daigdig (TWSC) bilang hawan sa loob ng unibersidad kung saan maaaring magtipon, mag-aral, magsuri, at magbalangkas ng hakbang ang mga akademiko at intelektwal para tunggaliin ang diktadurya. Sa harap ng mga kasalukuyang pagkilos para pabanguhan—kung ‘di man muling buhayin—ang ‘di malansag-lansag na bangkay ng awtoritaryanismo na patuloy na umaali-aligid sa kamalayang pulitikal ng bansa, ang Sentro ay hindi maaaring manahimik na lamang.
Noong Hulyo 3, 2013, pinangunahan ng TWSC ang hanggang sa ngayo’y natatanging pampublikong talakayan hinggil sa pagparangal ng unibersidad sa isa, kung ‘di man ang pinakapangunahing, tagapagpatupad ng awtokratikong rehimen ni Marcos. Pinamagatan ang public forum na ito na: “Marcos Pa Rin! Ang mga Isyu at Interes sa Pagpangalan sa UP College of Business Administration na Cesar E.A. Virata School of Business.” Tampok sa talakayang ito sina Dr. Judy M. Taguiwalo, Nelson A. Navarro, Dr. Eduardo C. Tadem, at Dr. Amado M. Mendoza Jr., pawang mga naging sangkot sa pakikibaka laban sa diktadurya. Sa kabila ng mga ipinaabot na pormal na imbitasyon, mula kay dating punong ministro Virata hanggang sa lahat ng mga taga-CBA na may tuwirang kinalaman sa pagparangal sa kanya, lahat sila ay tumangging dumalo sa forum.
Gayong nakakiling lamang sa isang panig ang mga tagapagsalita, dinumog ng mga mag-aaral at kaguruan ang public forum na ito. Liban sa mga binalikang aral ng kasaysayan, naging mas mainit ang talakayan sa mga haka at hinala kung kaninong mas malawak na balangkas ng mga pagkilos at interes nakakabit ang pagparangal ng CBA at ng pamunuan ng UP kay Virata.
Ang seryeng ito ng pampublikong talakayan tungkol sa pamana at sumpa ng rehimeng Marcos ay tugon sa ipinakitang interes sa isyung ito ng kaguruan at mga mag-aaral ng UP. Ang punong layunin ng public forum series na ito ay bumuo ng tuwirang pag-uugnay ng mga isyung natalakay sa pambungad na public forum noong Hulyo 3, 2013. Layunin ng serye na ilantad sa publiko at himayin ang mga hindi madalas mapag-usapang isyu ng: (1) kabayaran at pag-amin sa kasalanang nagawa sa mga biktima ng awtoritaryanismo ni Marcos; (2) muling pagsabak at pamamayagpag ng mga Marcos sa pambansang pulitika at ang paglutang ng mga alaala ng awtoritaryanismo na taliwas sa mga gunitang nakakabit sa itinatanging salaysay ng People Power Revolution noong 1986 (o EDSA I); (3) mahalagang papel na ginampanan ng mga haligi ng hudikatura at ng legal na propesyon sa pagsuporta at pagtunggali sa deklarasyon at pagpapatupad ng batas militar; at (4) ang nagbabagong pagkilala sa diktaduryang kondyugal ng bawat henerasyon na kasalukuyang umiikot sa kultural popular at mga arkibong digital.
Nakatakdang ganapin sa mga buwan ng Setyembre at Nobyembre 2013 at sa Enero at Pebrero 2014, ang apat na pampublikong talakayan. Katatampukan ito ng mga piling tagapagsalita—mga akademiko, mga opisyal ng pamahalaan, at mga pinuno ng lipunang sibil at kilusan ng mga kabataan at mag-aaral. Inaasahang nasa interes ang seryeng ito ng mga estudyante, kaguruan, mga grupong may malalim na interes sa mga usaping pulitikal at pangkasaysayan, at ng mas malawak na publiko.
Inaasahang magiging panimulang hakbang ang bawat forum sa seryeng ito tungo sa mas malawak at sistematikong pananaliksik ng TWSC tungkol sa pulitika ng gunita ng awtokratikong rehimen ni Marcos. Sinusuhayan ng seryeng ito ang mga saliksik ng Sentro hinggil sa gunita ng Mendiola at Plaza Miranda na noong 2008 pa sinimulan. Sa ganitong proseso nabuo ang mga nalimbag nang pag-aaral ng TWSC sa Marxismo sa Pilipinas.
Sa seryeng ito hinihikayat ng Sentro na muling balikan ang makasaysayang dekada ‘70. Ang tanging tanong lamang ay kung gaya ng naunang henerasyon, magawa rin nating makawala sa bangungot at sumpang dala ng awtoritaryanismo. Bangungot at sumpang patuloy na nakakapaghikayat at nakapanlilinlang ng hanay ng mga bulag na tagapagtaguyod ng Martial Law mula mismo sa unang henerasyon na produkto ng kalayaang nagmula sa EDSA I.
---
FORUM 1
Marcos Pa Rin! Ang mga Isyu at Interes sa Pagpangalan sa UP College of Business Administration na Cesar E.A. Virata School of Business
Miyerkules, 3 Hulyo 2013, 9:00 n.u. – 12:00 n.t.
Pulungang Claro M. Recto (Faculty Center Conference Hall), Bulwagang Rizal, Kolehiyo ng Arte at Literatura, Unibersidad ng Pilipinas, Diliman, Quezon City
Please click HERE for the separate blog post on this forum, which contains the forum's program, audiovisual recording, and other relevant documents.
Ang mga ‘di matahimik na gunita ng batas militar parang mga gumigiwang-giwang at susunsusong nitso na nakadagan sa kamalayan ng Unibersidad ng Pilipinas.
Sa unang linggo ng Pebrero 1971, natatag ang Diliman Commune sa Unibersidad ng Pilipinas (UP). Sa loob ng linggong ito naging malaya mula sa mga p’wersa ng estado ang UP. Nagsimula ang protesta sa usapin ng presyo ng langis at pampublikong transportasyon hanggang sa nauwi sa konkretong pagtutol ng mga estudyante, kaguruan, at komunidad ng unibersidad sa noo’y nagkakapangil pa lamang na diktadurya ng dating Pangulong Ferdinand Marcos. Ayon sa 13 Pebrero 1971 na resolusyon ng UP Diliman Student Council, ang Diliman Commune ay naging “simbolo ng pagprotesta ng sambayanang Filipino sa imperyalismong US, lokal na pyudalismo, at burukrata-kapitalismo, kaalinsabay ang maalab nitong determinasyon na mabuo ang isang Pambansang Demokratikong Lipunan mula sa guho ng nakaraan.” Kalaunan, makukubkob pa rin ng diktadurya ang UP. Ngunit ang giting at tapang ng isang buong henerasyon ng mga mag-aaral at kaguruan nito ay matagal nang kumalat sa buong bansa upang pangunahan ang pagkilos laban sa rehimeng awtoritaryan ni Marcos. Maraming mag-aaral at guro ng UP ang nag-alay ng kanilang buhay sa pagpupunyaging ito.
Ngayon, makalipas ang mahigit apatnapung taon, sa pamunuan ni Alfredo E. Pascual, ang UP na tanggulan ng laya ay naging tagapagparangal sa mismong primer ministro ng diktador na si Marcos. Ang UP na tagasiwalat ng katotohanan ay naging tagapabango ng bulok na kasaysayan ng awtoritaryanismong nagpahirap sa bansa sa loob ng may dalawampung taon. Noong 12 Abril 2013, sa ika-1287 nitong pagpupulong, inaprubahan ng Board of Regents (BOR) ng UP ang panukala ng kaguruan ng College of Business Administration na palitan ang pangalan ng kanilang kolehiyo at gawing Cesar E.A. Virata School of Business. Ayon sa UPDate Diliman Online, pinaboran ng BOR ang panukala dahil: “Virata has served UP, the Philippine government and the country for many years and with clear distinction.”
Kung babalikan ang kasaysayan ng UP sa panahon ng diktaduryang Marcos, makikitang wala namang ginawang iba ang administrasyong Pascual pagdating sa pakikitungo ng pamunuan ng UP sa mga makapangyarihan. Noong 28 Marso 1976, una nang pinarangalan ng UP si Virata sa pagkakaloob dito ng Doctor of Laws (honoris causa). Sa panahon ng dating pangulo ng UP na si Onofre D. Corpuz, pinapurihan ng unibersidad si Virata sa kanyang “eminent and valuable service to the Philippine Government in stabilizing finance, industry and advanced entrepreneurship for the rapid progress of this Republic as envisioned within the framework of the New Society.” Sa sumunod na taon, 17 Abril 1977, ang mismong kabiyak ng diktador, si Imelda Marcos naman ang ginawaran ng UP ng Doctor of Laws (honoris causa).
Sa katunayan, maski ang pinagpipitaganan ngayon na si Salvador P. Lopez, dating pangulo ng UP na kilala sa kanyang pakikiisa sa mga estudyante ng UP sa mga pagkilos laban kay Marcos bago ang pagdeklara ng batas militar, ay masasabing may simpatya ring ibinigay kay Marcos. Sa isang talumpati niya noong Hunyo 1972, malinaw ang paninindigan ni Lopez sa papel ng unibersidad at ng mga taga-UP sa kumukulong sitwasyon noon sa pagitan ng rehimeng Marcos at ng mga grupong humihingi ng mga repormang sosyo-pulitikal:
Kung tawagin man tayong lahat na aktibista . . . anumang taguri ang ibigay sa atin, patuloy tayong magkakaisa sapagka't iisa ang sinasabi at ibinubulong sa atin ng ating budhi--makibakang walang humpay tungo sa pagbabagong kinakailangan ng ating bansa. (UP Gazette, 31 July 1972)
Ngunit pagkatapos ng deklarasyon ni Marcos ng batas militar, sa talumpating binigay niya sa mga magsisipagtapos noong ika-27 ng Mayo, 1973, tila sa martsa na ng batas militar humahakbang si Lopez:
In proclaiming martial law and instituting the New Society, President Marcos could not have desired or intended to uproot love of freedom from the heart of the Filipino or to extinguish the flame of liberty that burns in his soul . . . . Our task is to achieve freedom with responsibility, liberty with discipline, order without regimentation, authority without tyranny, that is, a viable compromise between the integrity of individual life and the necessities of collective existence--and to achieve this without the violence and bloodshed that usually attend such revolutionary enterprises. (UP Gazette, 31 May 1973)
Taong 1975 nang palitan ni Corpuz si Lopez bilang pangulo ng UP. Ngunit bago pa man ito umupo sa puwesto, lantad na kung sino ang kanyang kinikilingan. Sa isang artikulo sa Philippine Political Science Journal noong 1973, ipinahayag ni Corpuz ang kanyang pag-suporta sa deklarasyon ng batas militar ni Marcos. Sa artikulong ito, sinabi niyang kailangan ang batas militar upang mailunsad ang isang bagong lipunan na higit na magsusulong sa isang matikas na bansa.
The New Society is a mirror of ourselves, not because it reflects our failings and fears, our vices and anxieties, but because it is a mirror of our triumphs and ideals, our highest virtues and strengths. It is a mirror of what we can be, and ought to be. It invites us to liberate ourselves from the old prejudice of understanding our capabilities as a people, and instead to arm ourselves with a sense of potency and confidence in our resources. (1973, 34)
Hindi lamang ang mga pinuno ng UP ang nagbigay-katwiran sa pag-iral ng batas militar. Maraming mga akademiko ng unibersidad ang nag-ambag ng kanilang kaisipan upang patalinuhin at bigyan ng batayang intelektwal ang rehimen ng diktador. Kilala sa mga ito ang grupong naging mga tagasaliksik at tagasulat ni Marcos para sa Tadhana: History of the Filipino People at ang diumanong mga palaisip na nagbigay-buhay sa Philippine Center for Advanced Studies. Ang latak ng gamitang ito patuloy na nanalaytay sa ugat ng ilang tradisyong intelektwal sa UP. Hanggang sa ngayon, makikita pa rin ang mga institusyon na nagmula sa kaliwaang transaksyon sa pagitan ng unibersidad at ng rehimeng awtokratiko, gaya na lamang ng Asian Institute of Tourism at ng proyektong pabahay ng Bagong Lipunan Integrated Social Services (BLISS).
Ano pa ba ang masasabi sa pakikitungo ng mga taga-UP sa awtokratikong rehimen ng pinakamakapangyahirang alumnus ng unibersidad? Kung kikilatisin ang mga naging relasyon ng mga maka-Marcos at kontra-Marcos sa UP noong panahon ng Bagong Lipunan, matutuklasan ba ang ugat ng kamakailang pagbibigay-pugay sa punong teknokrat ni Marcos sa espasyong pinagtatagan ng Diliman Commune?
Maaaring ituro ang takot, karuwagan, pagka-makasarili, at bulag na paniniwala bilang dahilan ng mga taga-UP na nanikluhod at nanilbihan sa rehimeng Marcos. Pero ano ang p’wedeng iturong dahilan ng administrasyong Pascual sa patuloy na pagtaguyod at pilit na pagpakinang nito sa kinakalawang na pamana ng diktaduryang Marcos sa UP? Anong mga interes ang lantad at palihim na nakikinabang sa mga naging hakbang na ito ng unibersidad?
Layunin ng pampublikong balitaktakan na ito na hugutin at ilantad ang mga maniobra para magamit ang UP sa paghuhugas-kamay sa kasaysayan ng mga naging kasapakat ng diktador at ng kanyang angkan. Layunin rin ng talastasang ito na subukin ang talas at tapang, sa harap ng madla at mga intelektwal, ng mga gustong bigyang-katwiran ang naging papel ng UP sa awtoritaryang rehimen ni Marcos. ‘Di rin maititiwalag sa layuning ito ang malapitang pagsusuri sa mga pinapaborang salaysay tungkol sa pinanghahawakang kabayanihan ng pamantasan laban sa diktador.
Hinubog ng diktaduryang Marcos ang naging kasaysayan at kapalaran ng UP sa matagal na panahon. Inakalang nagwakas na ang impluwensyang ito noong 1986. Pero sa mga nangyayari sa ngayon, makatwiran ba ang pangamba na kahit sa lupalop ng gunita, ang mga sinapian at multo pa rin ng awtoritaryanismo ang patuloy na nananaig?
FORUM 2
Pangako Sa ‘Yo: Kompensasyon sa mga Biktima ng Batas Militar
Biyernes, 20 Setyembre 2013, 9:00 n.u. – 12:00 n.t.
Pulungang Claro M. Recto (Faculty Center Conference Hall), Bulwagang Rizal, Kolehiyo ng Arte at Literatura, Unibersidad ng Pilipinas, Diliman, Quezon City
Please click HERE for the separate blog post on this forum, which contains the forum's program and audiovisual recordings.
Pebrero 25, 2013, sa ika-27 anibersaryo ng People Power Revolution (o EDSA I), nilagdaan ni Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III ang RA 10368 o ang Human Rights Victims Reparation and Recognition Act. Sa ilalim ng batas na ito, PHP10 bilyon ang ilalaan ng gobyerno para sa kompensasyon sa mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng batas militar ni Marcos. Ang halagang ito, na bahagi ng kabuuang halaga ng mga frozen assets ng pamilyang Marcos sa Switzerland at ipinaubaya ng Swiss Federal Supreme Court sa gobyerno ng Pilipinas, ay gagamitin upang mabayaran ang mahigit siyam na libong pinatay, pinahirapan, at ikinulong sa ilalim ng batas militar. Itinuring ang batas na ito bilang mahalagang tagumpay ng mga grupong kumakatawan sa mga biktima ng batas militar—labinwalong taong hinintay ang batas na ito na magpapahalaga sa desisyon ni Judge Manuel Real ng US District Court sa Honolulu, Hawaii noong 1995, na nag-utos sa pagkaloob ng kabuuang USD2 bilyon sa mga biktima ng batas militar. Ani Lorenzo “Erin” Tañada III, kongresistang nagtaguyod ng RA 10368, ang batas na ito ay magbibigay daan sa pagbubuo ng isang “[matuwid] na kasaysayan,” alinsunod sa “tuwid na daan” na slogan ng kasalukuyang Pangulo Aquino. Para kay Joker Arroyo, dating Senador at kilalang human rights lawyer, ang RA 10368, ang pagtuturo ng kasaysayan ng batas militar at ng mga paghihirap ng mga biktima nito ay magpapatibay sa ngayo’y nabubura ng madilim na bahagi ng kasaysayan. Hindi rin naman nagkulang ang mga kritisismo hinggil sa bagong batas—pangunahin sa mga punang ito ang napakaliit na halaga ng PHP10 bilyon kumpara sa USD2 bilyon na dinesisyunang kompensasyon at ang mabagal na pagpapatupad ng RA 10368. Kamakailan lang ay nanawagan sa pamahalaan ang grupong Samahan ng Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto (SELDA) na buuin na ang Human Rights Victims’ Claims Board na siyang magiging pangunahing tagapangasiwa ng lahat ng mga aktibidad na may kinalaman sa distribusyon ng kompensasyon sa mga biktima ng martial law.
Subalit ang iilan at limitadong tagumpay na ito para sa mga naging biktima ng awtoritaryanismong Marcos nanganganib pang mabalewala. Noong Disyembre 2012, inanunsyo ni Andres Bautista, pinuno ng Presidential Commission on Good Government (PCGG), na napipinto na ang pagkabuwag ng pangunahing ahensya ng gobyerno na naatasang tugisin ang nakaw na yaman ng mga Marcos. Kamakailan din lang—Hunyo 25, 2013—ay bumaba ang desisyon ni Judge Bonifacio S. Pascua ng Makati Regional Trial Court na bumabasura sa petisyong ipatupad sa bansa ang pagkakaloob ng USD2 bilyon sa mga nasabing biktima ng Martial Law.
Layunin ng talakayang ito ang sundan ang matagal na pakikipaglaban para sa pagkilala at kompensasyon ng mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng batas militar ni Marcos. Hihimayin nito ang kahalagahan ng isyu ng kompensasyon at ng RA 10368, ang pagkakaugnay ng isyung ito sa pagtugis sa nakaw na yaman ng pamilyang Marcos, at kung paano maaaring ipagpatuloy ang pakikipaglaban habang papalayo na ang alaala ng batas militar at isa-isa nang nawawala ang mga biktima nito.
FORUM 3
Bonggang Bonggang Bongbong: Ang Pagpapanauli sa Galing Pampulitika ng mga Marcos
Huwebes, 28 Nobyembre 2013, 1:00 - 4:00 n.h.
Pulungang Claro M. Recto (Faculty Center Conference Hall), Bulwagang Rizal, Kolehiyo ng Arte at Literatura, Unibersidad ng Pilipinas, Diliman, Quezon City
Please click HERE for the separate blog post on this forum, which contains the forum's program and audiovisual recordings.
Matapos makapanumpa sa muling pagkapresidente noong Disyembre 1969, muli ring lumagda si Pangulong Ferdinand E. Marcos sa registry ng Malakanyang. “Glad to be back,” sabi n’ya. Ang kanyang nag-iisang anak na lalaki, ang labindalawang taong-gulang na si Bongbong, ito naman ang sinulat: “Me next, I hope.”
Noong nakaraang taon, inilunsad ng InterAksyon.com ang memory project nitong pinamagatang “#NeverForget Martial Law”. Ang proyektong ito ay paggunita sa ika-apatnapung anibersaryo ng pagdeklara ng martial law ni Marcos. Ang proyektong digital na ito ay kumalap ng mga salaysay ng mga biktima ng batas militar na nagsampa ng class suit laban sa estado ni Marcos upang maipaalala sa mga mambabasa kung ano ang kinailangang isakripisyo sa pagbuo ng Bagong Lipunan. Nilayon nitong bigyan ng mukha para sa nakababatang henerasyon—na masugid na gumagamit ng Internet, lalo na ng social media—ang isa sa pinakamadilim na yugto sa kasaysayan ng ating bansa. Sa pag-alala, nilayun nitong hindi na maulit pa ang pagsasawalang bahala na naging daan sa mahabang pang-aabuso ng kapangyarihan ng mga Marcos at kanilang mga alipores.
Kaya naman mas lalong kagulat-gulat ang mga komento sa homepage mismo ng memory project na ito: hiindi iilan ang nagsabing matahimik at maunlad ang pamumuhay sa ilalim ng batas militar ni Marcos, disiplinado ang mga Pilipino, at wala halos krimen sa buong bansa. Kinuwestyon din ang kahalagahan ng EDSA I at ang naging kapalaran ng bansa sa ilalim ng mga demokratikong lider na sumunod sa napatalsik na diktador.
Ang mga sentimyentong ito ay matagal-tagal nang umiiral sa ilang mga social media networks, lalo na sa Facebook, kung saan may mga grupong tulad ng “Pres. Ferdinand Emmanuel E. Marcos,” “Bongbong Marcos,” at “Ferdinand "Bongbong" R. Marcos, Jr. for President 2016 (BBM 2016).” Sa pagbabasa sa mga wall posts ng mga grupong ito, mahihinuha na ang pagunita sa batas militar at kay Marcos ay bumubuo sa isang partikular at matatag na political agenda—ang pagsuporta sa anak ng dating diktador, ang kasalukuyang Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Nahalal si Bongbong Marcos sa senado noong eleksyon ng 2010—ang pinakaunang tagumpay sa lebel ng pambansang pulitika ng isang miyembro ng pamilya Marcos. Una nang tumakbo sa pagkapangulo si Imelda Marcos noong 1992 at 1998, at si Bongbong Marcos naman bilang senador noong 1995. Pareho silang natalo. Ayon kay Dr. Amado Mendoza Jr., propesor ng agham pampulitika sa UP Diliman, ang tagumpay na ito ay maaari ring basahin bilang patunay na ganap na o buo na nga ang political rehabilitation ng mga Marcos. Ang pagkahalal kay Bongbong Marcos sa senado ang pinakamatingkad sa mga pulitikal na tagumpay nina Imelda Marcos bilang Kinatawan ng Unang Distrito ng Leyte (Hunyo 30, 1995 - Hunyo 30, 1998) at ng Ikalawang Distrito ng Ilocos Norte (Hunyo 10, 2010 - kasalukuyan) at Imee Marcos bilang dating Kinatawan ng Ikalawang Distrito (Hunyo 30, 1998 - Hunyo 30, 2007) at ngayo’y Gobernador ng Ilocos Norte (Hunyo 10, 2010 - kasalukuyan).
Pakiwari ng mga Marcos napapanahon na para muling bumalik sa Malakanyang. Ilang buwan pa lang nakaupo sa posisyon si Bongbong Marcos, nagpahayag na si Imelda Marcos ng pagsuporta sa anak sa maaaring pagtakbo nito sa halalang pampanguluhan sa 2016 (Inquirer.net, Setyembre 13, 2010). Pinapaugong na rin nila ang bulong-bulungan para sa isang Presidente Ferdinand Marcos Jr. Ipinoposisyon ni Senador Marcos ang kanyang sarili bilang oposisyon sa kasalukuyang rehimeng Aquino. Tila sinusubukan rin ni Senador Marcos kung saan umiihip ang hangin sa tuwing magbibitiw ito ng mga pahayag na may kinalaman sa administrasyon ng kanyang ama. Matibay siya sa pagtangging nagnakaw ang pamilya Marcos sa kaban ng bayan habang nasa puwesto si Ferdinand Marcos, sa deklarasyong ang gobyerno ng US ang nasa likod ng pagpapatalsik sa puwesto noon ng kanyang ama, at sa pagsasawalang-bahala sa EDSA I. Ani Bongbong Marcos, hindi kayang tanggapin ng pamilya niya ang EDSA 1 dahil wala itong idinulot na makabuluhang pagbabago (Inquirer.net, Febrero 22, 2010). Dagdag pa niya,
Has poverty been alleviated? Is the wealth of the country more equitably distributed? Do we have more jobs available at home? Has there been a rise in the quality of our education? Are we self-sufficient in our daily food requirements? Is there less hunger? Crime? Insurgency? Corruption? Basic services? Health? (InterAksyon.com, Pebrero 24, 2010)
Sa forum na ito ay tatalakayin at susuriin ang pananatiling makapangyarihan ng mga Marcos sa pambansang pulitika, pati na ang epekto nito sa pagbuo ng legacy ng mga Marcos at ng batas militar. Partikular na sasagutin sa forum na ito kung ano ang magpapaliwanag sa tagumpay ni Bongbong Marcos noong 2010. Tatalakayin din ang implikasyon ng tagumpay na ito sa pangkalahatang pag-aalaala ng rehimeng Marcos. Maaari bang sabihing may nagaganap na paghuhugas sa kasaysayan ng kanilang kasalanan? Ito ba ang kanilang sariling pagwawasto sa kasaysayan na sumasakay at nakikinabang sa mistulang pagkamalimutin o pagkakaroon ng amnesya ng sambayanang Pilipino?
FORUM 4
‘Pag Meron Ka Nito, Wala Kang Talo! Ang mga Abugado, ang Hudikatura, at ang Arkitekturang Legal ng Awtoritaryanismong Marcos
Miyerkules, 15 Enero 2014, 1:00 - 4:00 n.h.
Pulungang Claro M. Recto (Faculty Center Conference Hall), Bulwagang Rizal, Kolehiyo ng Arte at Literatura, Unibersidad ng Pilipinas, Diliman, Quezon City
Please click HERE for the separate blog post on this forum, which contains the forum's program and audiovisual recordings.
Balot at selyado sa legalismo ang awtoritaryang rehimen ni Marcos. Sa baluktot na parametro ng kanyang rehimen, lahat ng pang-aapi at pagsikil sa karapatan ng iba, naaayon sa batas na mismong s’ya ang may-akda—at ang tanging may kapangyarihan ring magbago. Sa ilalim ng batas militar, walang ilegal na aksyon si Marcos.
Hindi nga lamang mag-isa si Marcos sa pagsalamanka sa batas para maging personal n’ya itong anting-anting. Ilang taon pa bago ang deklarasyon ng batas militar, sa mga unang buwan pa lamang ng kanyang pangalawang termino bilang pangulo, sinimulan nang balangkasin ni Marcos at ilang malapit na tauhan ang legal na basehan ng kanyang ilalatag na awtokratikong rehimen. Inatasan n’ya noon si Juan Ponce Enrile, ang kanyang Kalihim ng Katarungan, na magsagawa ng lihim na pag-aaral tungkol sa kapangyarihan ng punong ehekutibo base sa Saligang Batas ng 1935. Naging katuwang ni Enrile sa sekretong gawaing ito sina Efren I. Plana (cum laude, 1954, UP Law) at Minerva Gonzaga-Reyes (magna cum laude, 1954, UP Law). Pagkatapos lagdaan ang Proclamation 1081 noong Setyembre 21, 1972, kinonsulta rin ni Marcos ang dating Solicitor General Estelito Mendoza, ang kanyang Kabinete, at iba pang mga lider para pag-aralan kung papaano gagawing tunay na lehitimo ang batas militar. Ani Mendoza, “He didn’t want to look like he wanted to violate the Constitution” (Vitug and Yabes 2011, 187).
Sunod na nakatunggali ni Marcos ang Korte Suprema sa pagtataguyod ng ratipikasyon ng Saligang Batas ng 1973 na maglalatag ng basehang konstitusyonal ng batas militar. Pagkalabas ng Proclamation 1102 na nagsasaad na niratipika ng 95% ng populasyon ang bagong saligang batas, kinuwestiyon agad ang legalidad ng paraan ng ratipikasyong ito sa Josue Javellana vs. Executive Secretary. Hati ang desisyon ng Korte Suprema sa kasong ito, na ngayo’y itinuturing na naging huling pagkakataon ng hudikatura upang pigilan si Marcos. Ngunit sa huli, pinaboran ng anim sa sampung Punong Mahistrado ang bagong konstitusyon. Hindi pangkaraniwan ang habang 257 na pahina na desisyon sa kasong ito dahil ang mga opinion ng dalawang kampo ang nakasulat. Ayon kay Pacifico Agabin, ito ay dahil alam ng mga hukom na magiging makasaysayan ang desisyong ito at kailangang ipagtanggol ang kani-kaniyang papel (Vitug and Yabes 2011, 193).
Bukod sa mga Punong Mahistrado, nagpakita rin ang ilang kawaksing mahistrado ng Kataas-taasang Hukuman ng pagkiling ‘di lang kay Pangulong Marcos, kundi pati sa kanyang kabiyak. Sa Pilar Luague v. Honorable Court of Appeals (1974) kung saan pinawalang-sala ng Korte Suprema ang isang kinasuhan ng estafa, nagawang isingit ni Justice Vicente Abad Santos sa isang desisyon ang ganitong pagtalima kay Gng. Marcos: "A compassionate attitude repeatedly urged by the First Lady, Mrs. Imelda R. Marcos, would have been highly in order under the circumstances." May papuri rin si Justice Abad Santos kay Gng. Marcos sa Pleno v. The Honorable Court of Appeals (1981): "What the Manila Gas Corporation did is contrary to compassion and humanism so ably expounded and practiced by the First Lady—Madame Imelda R. Marcos." At ito naman ang natatanging papuri't pasasalamat ni Justice Antonio Barredo—isa sa mga pumabor sa legalidad ng 1973 Philippine Constitution sa Javellana vs. Executive Secretary—sa mag-asawang Marcos sa Luneta v. Special Military Commission No. 1 (1981), isa sa mga maraming kaso kung saa'y ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon ng mga ikinulong na tumutuligsa sa rehimeng Marcos para sa writ of habeas corpus upang sila'y mapalaya mula sa mga "rehabilitation center":
Incidentally, it is a matter of common knowledge that after the martial law cases pending before this Court shall have been disposed of, martial law in our beloved country will be lifted. In my first opinion written after it was imposed, I exhorted "God bless the Philippines!" As January 17, 1981 the date commonly known as set for its lifting approaches, with a heart full of joy and gratefulness to the Lord, the President and the First Lady, who have jointly worked so hard to improve the quality of life of the Filipinos, to revive our valued nature virtues and traditions and to enhance the dignity of the Philippines as worthy member of the society of respected nations the world over, and all others concerned, I should shout as I do — ALLELUIA!
Sa kasalukuyan, tanging mga mag-aaral ng batas na lamang ang nakaaalam sa mga pagmamaniobra na ito. Hindi na rin napapansin ang kakatuwang katotohanan na iilan sa mga batas na ipinatupad ni Marcos bilang diktador hanggang ngayon ay may bisa pa. Nariyan ang Code of Muslim Personal Laws (P.D. No. 1083), Philippine Extradition Law (P.D. No. 1069), Insurance Code (P.D. No. 1460), at Anti-Fencing Law (P.D. No. 1612). Nagmulto rin ang P.D. 1081 noong ipatupad ni Gloria Macapagal Arroyo ang P.P. 1017, na nagpasailalim sa Pilipinas sa "State of National Emergency"—ilang bahagi ng proklamasyon ni Marcos ay muling ginamit ni Arroyo upang bigyan niya ang kanyang sarili ng panandaliang mala-diktador na kapangyarihan.
Titingnan sa forum na ito ang naging sangkot na papel ng istruktura ng batas at mga tagapagtanggol nito sa legitimization ng pagdedeklara ng batas militar. Tatalakayin din ang mga naging pagkilos ng ilang mga grupo ng mga abogado (hal. Free Legal Assistance Group o FLAG, Movement of Attorneys for Brotherhood, Integrity, and Nationalism o MABINI) laban sa kamay na bakal ng batas na kinasangkot na ni Marcos. Magsisilbi ang forum na ito, higit sa kung ano pa, na pagkakataon upang ilantad sa publiko—lalo na sa isang publikong binubuo ng isang henerasyong hindi na inabot ang batas militar at ang mga lagim nito—ang mga pangyayaring naging susi sa diktaduryang kumumbabaw sa bansa ng halos dalawang dekada, ngunit ngayo’y hindi na gaanong napag-uusapan sa mga pagaalaala ng batas militar.
FORUM 5
My Husband’s Lovers: Ang Pag-ibig at Pagkamuhi kina FM at Meldy mula sa mga Martial Law Babies hanggang sa Kasalukuyang Henerasyon
Martes, 4 Pebrero 2014, 9:00 n.u. – 12:00 n.t.
Pulungang Claro M. Recto (Faculty Center Conference Hall), Bulwagang Rizal, Kolehiyo ng Arte at Literatura, Unibersidad ng Pilipinas, Diliman, Quezon City
Please click HERE for the separate blog post on this forum, which contains the forum's program and audiovisual recordings.
Sa kulturang popular para sa kasalukuyang henerasyon, batis ng ligaya’t aliw ang mga imahen at gunita ng mag-asawang diktador. Dinadakila ng mga maka-Marcos ang imaheng matalinong strongman ni Marcos, habang si Imelda ang glamorosang jet-setter na kabiyak. Naglipana ang mga grupo sa social media, mga komento sa YouTube ng mga lumang propaganda videos na naka-upload doon, na tumitingin sa isang nakaraang maunlad, disiplinado, at ligtas sa ilalim ng mga Marcos. Sentral sa yaring nostalgia ang mga palabas ng rehimen na pinasimunuan ni Imelda—ang Manila Summit, Miss Universe pageant, Thrilla in Manila, Kasaysayan ng Lahi, Manila International Film Festival. Nandiyan ang mga nakatayo pa ring gusali ng Cultural Center of the Philippines (CCP), Folk Arts Theater, National Arts Center, at ang Manila Film Center. Maganda at kawili-wili si Imelda at dinadakila pa sa ibang bansa ng mga mahal na tao—nila Lyndon at Lady Bird Johnson, Queen Sirikit, Mao Zedong, Fidel Castro, Muammar Gaddafi, Mikhail Gorbachev, Queen Elizabeth, Richard Nixon, Pope Paul VI.
Pagkaalis ng mga Marcos sa Malakanyang, nadiskubre ang magagarang damit, alahas, artwork, at muwebles ng pamilya. Tumatak sa marami ang napakalaking koleksyon ng sapatos ni Imelda—na di kalauna’y naging simbolo ng profligacy ng mga Marcos. Naging bahagi ang koleksyong ito ng mga ari-arian ng pamilya na ibinuyangyang sa publiko ng administrasyong Corazon Aquino upang ipakita ang magarbong pamumuhay ng mga Marcos sa kabila ng dumaraming naghihirap sa bansa. Tampok din sa koleksyong ito ang larawan nila Ferdinand at Imelda bilang sila Malakas at Maganda, ang dalawang maalamat na pigurang pinagmulan diumano ng lahing Filipino—bahagi ng Oplan Mystique, ayon kay Primitivo Mijares, na layuning bumuo ng mythical na pundasyon na susuporta sa Bagong Lipunan ni Marcos. Sa “bagong lipunang” ito, sila Ferdinand at Imeda ang Apo at Ina—si Ferdinand ang makisig na amang sisigurado na protektado at hindi nagkukulang sa pangangailangan ang mga anak, habang si Imelda ang maganda at mapagmahal na inang mapagkalinga sa mga anak.
Habang malinaw kung saan kumikiling ang mga kulay-rosas na gunita ng rehimeng Marcos na tinalakay sa taas, malabo naman ang nais iparating ng mga representasyon ng mag-asawang Ferdinand at Imelda sa kulturang popular, natatangi na ang kay Imelda. Nariyan ang concept album na ginawa ng mga Amerikanong musikero na sina David Byrne at Fatboy Slim na patungkol sa buhay ni Imelda at kamakailan lamang ay hinalaw sa isang musical na ipinalabas sa The Public Theatre sa New York. Sa parehong album at musical, si Imelda ay ang kahali-halinang ambassador na makakatulong sa kanyang bansa at asawa sa pagiging glamorosang diva na pinangarap niya mula pa noon. Maraming bumatikos kay Byrne sa depiksyong ito, pero ayon kay Ian Buruma (New York Review of Books, May 7, 2013), “the tawdry allure…seems right to me. It was precisely the pop glamor of the Marcos dictatorship that made it so insidious.”
Hihimayin sa forum na ito ang pantasyang bumabalot sa imahe ng mag-asawang Marcos—isang pantasyang binuo noong nasa kapangyarihan si Ferdinand, nabuway nang mapatalsik siya sa puwesto, at pumapaimbulong muli sa social media at kulturang popular. Susuriin kung ang nagbabagong manipestasyon ng pantasyang ito, mula sa pagiging bahagi ng propaganda ng rehimeng Marcos at ng pang-araw-araw na buhay ng mga Martial Law babies, hanggang sa kasalukuyang pagtawid ng pantasyang ito sa lupalop ng kulturang popular.